Time Machine


Kailan ba darating si Mr. Right?
Yan ang madalas itanong ng lahat pero tulad nga ng sabi nila, darating siya kung kailan hindi mo inaasahan. Kung kailan ka hindi ready. Basta ang kailangan mo lamg gawin ay maghintay. Pero paano kung hindi mo nagawa ang bagay na iyon? Paano kung hindi ka naghintay? Paano kung kailan dumating na ang Mr. Right mo e hindi ka na pwede? Anong gagawin mo?


Natawa ako sa kanya ng bigla nalang niya akong hilain papasok sa kwarto niya pero laking gulat ko ng siilin niya ako ng mariin na halik. Nalalasahan ko ang alak mula sa kanya at hindi rin ito katulad ng halik na ibinibigay niya sa akin. May pag-iingat at ramdam ko ang pagmamahal sabtuwing hinahalikan niya ako noon pero itong halik na ito ay marahas at mapusok.

Pilit ko siyang itinutulak palayo sa akin pero lalo niya lang akong inilalapit sa kanyahanggang sa maramdaman ko nalang na hiniga na niya ako sa kama.

"Mark.." Tawag ko sa kanya na parang nakikiusap pero para bang wala siyang narinig.

Buong lakas na itinulak ko siya pero hindi siya humiwalay sa akin at nanatili lang nakapatong habang pinagsasawa niya ang sarili na halikan ang leeg ko. Nang marinig ko ang pagkapunit ng blouse ko ay noon na tuliyang naglandas ang luha mula sa mga mata ko. At marahil ay narinig niya ang mahihinang hikbi na kumakawala sa aking labi kaya naman napatigil siya.

"Ina" tawag niya pero niyakap ko lang ang sarili ko. I can't fucking believe na muntik na akong marape ng boyfriend ko!

"I'm sorry" pagkasabi niya noon ay nilabas ko na ang sakit at hinanakit na nararamdaman ko para sa kanya. Gad! All those months na magkasama kami ay ito lang ba talaga ang gusto niya?


"Sex lang ang habol sayo ng gagong yon" isang araw na sabi sa akin ng bestfriend ko na si Tina. Naikwento ko sa kanya ang nangyari samin boyfriend ko na ngayon ay ex ko nalang.

"Ang problema kasi sayo best, sa mga lalaki mo hinahanap ang pagmamahal na gusto mo. Nandito kami ng mga kaibigan mo na mahal na mahal ka naman at hindi ka iiwan katulad ng ginawa sayo ng mga lalaking dumadaan sa buhay mo."

Napabuntong hininga nalang ako. Ewan ko ba sa sarili ko kung bakit hindi magising-gising sa mga payo ng mga kaibigan kong ito. Mahal ko naman sila at kapag sila na ang nawala sa buhay ko, hindi ko talaga kakayanin at baka magpakamatay nalang ako.

Katulad ng iba, ay hindi nanaman kami nagtagal ni Mark. Lagi namang ganito. Ang bilis bilis kong mafall sa isang tao kaya naman lagi nalang akong nasasaktan. Bakit ba kasi ang tagal dumating ng Mr. Right ko at laging si Mr. Wrong nalang ang nakikita ko? Hindi ba pweding magpakita na siya agad kasi baka sa oras na dumating siya sumuko na ako at takot na akong magmahal pa.


To: Lian
Pahingi naman ako ng katext Lian.

Yan ang text ko isang araw sa isa rin sa mga kaibigan ko. Actually lima kami sa grupo. Ako, si Lian, Tina, Marian at Ezza.

From: Lian
Eto. 09*********

Bago ko tinext to ay tinanong ko muna si Lian kung mabait ba at nalaman ko rin na kaklase pala niya ito. Base sa paglalarawan niya ay mukhang okay naman siya kaya naman hindi na ako nagdalawang isip na itext siya.

To: Rj
Hi

Dahil sa simpleng text message ko na iyon, nagkaroon ako ng panibagong kaibigan. Nagkaroon ako ng panibagong kakampi at nagkaroon ako ng panibago kong mamahalin. Eto nanaman ako. Sumusugal nanaman sa lintik na pag-ibig na walang kasiguraduhan kung maipapanalo ko ba.


"Natatakot ako." Isang araw na nasabi ko sa kanya noong lumabas kami.

"Saan naman?" Tanong ni Reiji sa akin.

"Natatakot ako na mahulog nanaman sa maling tao. Rj ganun kasi ako. Mabilis akong mahulog sa isang tao at sa palagay ko nahuhulog na ako sayo." Napahawak ako sa dibdib ko. Ramdam ko ang bilis ng tibok ng puso ko. Nakatingin lang siya sa mata ko pero laking gulat ko ng hilain niya ako palapit sa kanya at siilin ng matamis na halik. Hindi katulad ng marahas at mapusok na halik ni Mark. Ang sa kanya ay dahan-dahan at para bang nilalasap ang bawat segundo na magkalapat ang aming mga labi. At hindi katulad sa tuwing hinahalikan ako ni Mark, naramdaman ko ang tila mumunting paru-paro na lumilipad sa aking tiyan.

Kasabay ng pagkabuo ng magandang relasyon namin ni Rj, hindi ko namamalayan na unti-unti na palang nabubuwag ang relasyon naming magkakaibigan ng dahil sa mga kagagawan ko.


"Best pasama na kasi sa Florida. Kahit kayo lang ni Lian. Palaging busy sina Marian at Ezza e." Pakiusap ko kay Tina. Ngayon kasi ang kaarawan ni Rj at dahil doon naman nag-aaral si Tina ay umaasa ako na sasamahan niya ako at hindi naman ako nabigo dahil sinamahan nga nila akong dalawa ni Lian na puntahan siya.

"Rj!" Agad ko siyang niyakap ng makita ko siya. Nakita ko naman na tinanguan niya si Lian dahil nga magkakilala silang dalawa.

"Best pweding iwan niyo muna kaming dalawa?" Nakangiting sabi ko sa kanila pero nawala iyon ng makita ko ang pagrehistro ng inis sa mukha ni Tina. Si Lian din ay nanahimik. Kilala ko si Tina kapag galit siya at alam ko na galit siya ngayon.

"Okay" yun lang sabi ni Tina pagkatapos ay hinila na si Lian paalis. Mali ba ang ginawa ko? Gusto ko lang naman kasing magkaroon ng quality time kasama ni Rj dahil hindi kami ganoon kadalas magkita dahil sa sobrang busy niya.

Dahil sa pangyayaring yun, palagay ko ay nagkaroon kami ng silent war sa pagitan namin ni Tina. Sa tuwing pupuntahan ko si Rj, hindi na ako muling nagpapasama sa kanya. Kay Lian nalang ako nagpapasama tutal ay magkakilala at magkaklase naman sila ni Rj.

Akala ko noong una ay magiging maayos ang lahat sa aming dalawa ni Rj pero dahil sa konting time na naibibigay niya sa akin, pakiramdam ko hindi ako ganoon kahalaga sa kanya. Kaya naman nagsimula akong magdemand ng maraming oras para sa kanya pero hindi ko akalain na sa pagkakamaling iyon ay mawawala ang isang napakagandang relasyon.


“Alam mong hindi ganun kadali iyon Ina! Masyado akong maraming ginagawa sa school at napakaraming plates na kailangan ko pang tapusin kaya sana naman intindihin mo iyon!”

“Pero konting oras lang naman ang hinihingi ko! Antagal na nating hindi nagkikit e.” kasalukuyan kaming magkausap sa phone at hinihiling ko lang naman na sana magkita kami kahit sandali lang dahil babalik na ako sa manila bukas.

“Pero hindi nga pwedi. Nagrarush na ako sa mga plates ko.”

“Lagi ka nalang plates! Plates!! Nakakainis na! Wala ka ng oras sa akin!”

“Hindi naman sa wala akong oras!” nanahimik nalang ako at tahimik na hinayaang maglandas ang luha sa mga mata ko.

“Maghiwalay nalang tayo.” Pakiramdam ko ay huminto ang oras ng sinabi niya sa akin ang mga salitang iyon. Gusto kong hilingin na sana nananaginip lang ako pero hindi dahil ramdam ko ang pagguhit ng sakit sa puso ko na para bang sinasaksak ito ng paulit-ulit.

“Ano ka ba? Hindi naman ito joke time kaya wag kang magbiro ng ganyan” pero wala akong narinig na sagot mula sa kabilang linya. Tanging buntong hininga nalang niya ang naririnig ko.

“Tulad ng sabi mo hindi to joke time. Maghiwalay nalang tayo.” Pagkasabi niya noon ay binaba na niya ang linya.

Kulang ang salitang masakit para ilarawan ag nararamdaman ko. Akala ko siya na ang Mr. Right ko pero mali nanaman ata ako. Hindi nanaman ata si Mr. Right ang minahal ko. Kung meron lang akong time machine, gusto kong pumunta sa future kung saan nakita ko na ang Mr. Right ko para hindi na ako masaktan ng paulit-ulit sa present ko.


“Hindi na ba talaga pwede? Rj!” pagkatapos ng pag-uusap namin sa phone na iyon ay niyaya niya akong manood ng sine. Akala ko okay na ulit kami pero nagkamali ako dahil nasa kalagitnaan ng palabas ng hilain niya ako at dalhin sa may malapit sa CR kung saan wala masyadong tao at doon niya sinabi sa akin na ito na ang huling pagkikita namin.

“Ina…”

“Please naman Rj” pagsusumamo ko sa kanya pero nag-iwas siya ng tingin sa akin. Pinigilan ko ang luhang nagbabadya nanamang pumatak.

“Pwedi ba akong humingi sayo ng huling regalo?” tinignan niya ako ng nakakunot ang noo. Kinuha ko ang kamay niya at doon sinabi ang hiling ko sa kanya. Halata ang gulat sa mukha niya. Pero ganun pa man ay hinila niya ako palapit sa kanya at hinalikan ako ng mariin sa labi. Ipinikit ko ang mata ko at nilasap ang bawat sandali na magkalapat ang mga labi namin.

“Are you sure?” matalim niya akong tinignan sa mga mata ko at hinila ako palabas sa sinehan na iyon.


“Pwedi bang manatili yung communication natin?” tanong ko sa kanya habang nagbibihis siya. Ang tanga ko ba para ito ang hilingin ko? Ang dahilan ng paghihiwalay namin ni Mark noon ang siyang huling kahilingan na hiningi ko sa kanya. Hindi siya sumagot at iniwan ako sa hotel na iyon.

Katulad ng hiniling ko ay nanatili ang komunikasyon naming dalawa. Kahit na nagkaroon siyang muli ng girlfriend ay nanatili ang komunikasyon namin. Pakiramdam ko na naging kabit niya pa ako. Bakit nga ba ako ganito Katanga pagdating sa pag-ibig? Handa kong ibigay ang lahat ng meron ako para lang sa taong minamahal ko. Naiinis ako sa sarili ko at alam ko naman na maging ang mga kaibigan ko ay naiinis na sa akin.


“R-rj” gulat na gulat ako ng isang araw ay puntahan niya ako dito sa tinutuluyan namin ng ate ko sa Manila. Napatingin ako sa bag na dala-dala niya.

“Can I stay here for a week?”

Hindi ko alam kung tama baa ng naging desisyon ko na hayaan siyang manatili dito ng isang linggo. Napag-alaman ko rin sa kanya na wala na sila ng girlfriend niya kaya naman nagkaroon ng kaunting saya sa puso ko. Pero ganun nalang ang sakit na bumalik dito ng makita ko ang profile picture niya sa facebook.

“Sino yung nasa prof pic mo?” minsang tanong ko sa kanya. Wala na si ate dahil pumasok na siya.

“Wala.” Mabilis na sagot niya pero agad nag-iwas ng tingin. Nakaramdamn ako ng galit para sa kanya pero nangibabaw pa rin ang pagmamahal na nararamdaman ko sa kanya. Hindi ko siya tinanong ulit kung sino ba ang babaeng kasama niya sa picture na iyon pero tinanong ko ang mga kakilala niya. Ganun nalang ang gulat ko ng malamang iyon pala ang first love niya.

“First love never dies.” Yan ang sabi ng ate ko ng sinabi ko sa kanya ang problema. Umiyak lang ako ng umiyak habang yakap yakap niya ako.

“Ina, matagal na kayong tapos. Dapat matagal mo na rin siyang kinalimutan. Nagkaroon siya ng girlfriend pagkatapos mo. Kung mahal ka talaga niya hindi siya magkakaroon ng girlfriend. At kung mahal ka talaga niya, wala na ang first love na iyon dahil ang true love lang ang may kakayahang makapagpalimot sa first love ng isang tao.”

“Pero mahal ko siya Ate. At hihintayin ko ang panahon na ako naman ulit ang pipiliin niya at ako naman ulit.” Hinaplos ni Ate ang pisngi ko.

“Tandaan mo ito Ina. You’re a choice not an option. Hindi porket wala na ang mga babae niya ay babalik na siya sayo. Hindi mo ba nakikita? Hindi siya para sayo.”

Pero kahit ilang payo pa ata ang makuha ko mula sa mga kaibigan at Ate ko ay wala pa ring mangyayari sa akin. Hahabulin at hahabulin ko pa rin si Rj. Siguro dahil na rin pinapakita pa rin ni Rj na interesado siya sa akin.


“Here” napatingin ako sa taong bigla nalang nag-abot ng panyo sa akin. Hindi ko siya kilala kaya naman hindi ko nalang pinansin pero nagulat ako ng umupo siya sa tabi ko siya mismo ang nagpunas sa mga luha ko.

“Para sa isang magandang babae, hindi ka dapat umiiyak.” Nag-iwas ako ng tingin sa kanya.

“Boy problem?” hindi ko pa rin siya pinansin aalis na sana ako ng hawakan niya ang kamay ko at inilagay doon ang panyo niya.

“Kung ano man ang problema mo, mawawala din yan. Baka hindi mo alam, pagkatapos ng sakit na nararamdaman mo ang kasiyahang matagal mo ng hinihintay. Maghintay ka lang.”

“Anong pangalan mo?”  tanong ko sa kanya. Hindi ko alam kung bakit gusto kong malaman ang pangalan niya pero may nagsasabi sa akin na dapat ko siyang makilala.

“Wright.” Ngumiti siya sa akin at hindi ko alam pero bakit ganun nalang ang naramdaman ko ng sabihin niya ang pangalan niya. Para bang matagal ko ng alam ang pangalan niya iyon. Na para bang nakatatak iyon sa puso ko.


“Aalis si Rj? Ang gawin mo bago man lang siya umalis ay pagbigyan mo ang sarili mo. Pakasaya ka kasama siya pero siguraduhin mo na kasabay ng pag-alis niya, kakalimutan mo siya at mawawala na siya sa buhay mo.” Yan ang sabi sa akin ng kaibigan kong si Ezza ng sabihin ko sa kanya ang tungkol sa pag-alis ni Rj.

“Pero pano ko naman gagawin iyon kung hindi ko nga siya macontact? Ni hindi nga niya sinasagot ang mga text ko e.”

“Ayun naman pala. Siya na mismo ang pumuputol sa relasyong meron kayo. Oras na Ina para tumigil ka na. Ina tandaan mo to, si Mr. Right mo, hindi yan hinahanap dahil siya mismo ang hahanap siya. Maghintay ka lang at dadating at dadating din ang taong iyon na kung saan ikaw ang choice niya at hindi isang option na tatakbuhan niya kapag wala na sila ng girlfriend niya.”

Ginawa ko ang sinabi niya. Nang umalis si Rj ay nagpalit ako ng sim. Pinutol ko ang komunikasyon ko sa mga taong pweding mag-ugnay sa akin kay Rj at katulad ng sabi nila, time can heal you wounds but the scars will always be there. Sa pag-alis n Rj ay nalaman kong may souvenir pala siyang naiwan sa akin.

“It will be you and me baby. Tayong dalawa nalang.” Pinunasan ko ang huling luha na pumatak sa aking mata para kay Rj. Ito na ang huli.

Lahat ng pagkakamali ko noon, hindi ko na maitatama pa. Kahit na itinuturing kong regalo ang batang ito ay hindi pa rin maalis sa akin ang pagsisising nararamdaman ko. Siguro nga kung naghintay ako buo pa sana ako ngayon para sa taong nakatadhana sa akin. Muli ay hinihiling ko nanaman na sana may time machine ako pero hindi na para pumunta sa future para hanapin si Mr. Right, kundi para bumalik sa nakaraan at hintayin ang pagdating niya sa buhay ko.

Madalas kasi sa buhay natin ay nagmamadali tayo. Nagmamadali tayong tumanda pero once na tumanda tayo, hihilingin natin na sana bumalik nalang tayo sa pagkabata para naman naenjoy natin kung gaano iyon kasaya.

Time is free, but it’s priceless. You can’t own it, but you can spend it. Once you’ve lose it, you can NEVER get it back. Kaya naman laking pagsisisi ko na ginugol ko ang oras ko sa paghahanap ko kay Mr. Right ko. Nawalan ako ng matalik na kaibigan at hindi ko nagawang pahalagahan ang pagmamahal na ibinibigay ng mga kaaibigan ko sa akin sa loob ng maraming taon dahil abala ako sa paghanap ng pagmamahal na hindi ko mahintay.